Tuesday, March 19, 2013

Tumutulis ang mga dila ng mga kandidato, ang kanilang mga matatamis na salita, at ang mga kampanyang patindi ng patindi.

Limampu't limang araw na lamang at eleksyon na naman. Sa loob ng ganitong kahabang panahon, marami na ang pwedeng maloko ng "mayayamang" kandidato. Nakakalungkot lang kasi sa simpleng pagpapakita nila ng kayamanan, pagsasabi ng mga "nagawa nilang proyekto", at pangangakong itutuloy nila ang kanilang mga "nagawa", napakarami ang nalalaglag sa matatamis na salita ng mga kandidato. Sige, gamitin nila ang mga batang walang butas ang mga puwit, ipamukha nilang dahil sa kanila, nakakakain tayo, at iba pa na para bang lahat ng tinatamasa natin ngayon ay nanggaling sa kanila. Kasi, kung nakikita naman talaga ng tao yung mga ginagawa nila, hindi na nila kailangan pang ipamukha sa kanila. Sila na mismo ang kusang boboto sa kanila kahit walang kampa-kampanya.Tandaan, wag agad magpalunod sa mga mala-tyokolateng salita. Mahirap na

Ang isa pang bagay na nakakalungkot ay mga dinastiya sa ating pamahalaan. Ginagamit nila ang mga pangalan ng mga ninuno nila para makahakot ng mga boto. Sabihin na nating kilala nga yung apelyido nila dahil may kamag-anak silang naging isang ulirang pinuno dati. Hindi naman porket naging isa siyang uliran ay magiging ganoon na rin sila. Itutuloy nila ang mga ginawa ng ninuno niya? Wala ba silang mga sariling plano para sa Pilipinas? Para sa kaguluhan sa Sabah? Sa ilang milyong hindi nakakakain ng sapat? Oo, magiging malaking bagay ang pangalan pero sana siguraduhin nila na pag nginungudngod nila ang apelyidong yun, kaya nilang pangatawanan. Sa huli, wala naman sa apelyido yan; nasa kagustuhan nilang magbago ang bansa natin yan.

Sige, magsiraan silang mga kandidato. Pinapakita lang nilang wala silang pagmamahal sa ating bansa. Bakit naman sisiraan ng isang Pilipino ang kanyang kapwa niya Pilipino kung ang gusto rin nito ay pagbabago para sa ating bansa? Pare-parehas lang naman sila ng gusto. Alam na kung ano. 

Nakakalungkot lang na mga simpleng alituntunin lang ng Komisyon ng Halalan, hindi pa masunod ng mga kandidato. Simpleng pinahihintulutang sukat lang ng mga poster, hindi pa masunod. Tapos yung mga pagtitipong dinadaluhan nila para sa mga kandidato, hindi pa nila maayos yung mga sagot. Alam ko namang mahirap ipagkasya lahat ng nasa utak mo sa katiting na oras pero dapat laging intelektwal.

Para sa lahat ng boboto, nais ko lamang sabihing sana maging matalino kayo sa pagpili. Alam kong mas matanda kayo sa akin pero hindi lang kayo ang mahihirapan kung maling mga tao ang pipiliin niyo. Alamin muna ang lahat bago pumili. Kung ano ba talaga ang mga ginagawa ng mga partido, kongreso, senado at lahat lahat. Maging matalino sa pagpili! 


SANA PAGPALAIN PA LALO NG DIYOS ANG BANSA NATIN.

No comments:

Post a Comment